Saturday, May 9, 2009

Tama na ang Marin Nievera Issue!

Nakakatawang isipin na maraming mambabatas ang hanggang ngayon ay sumasakay sa issue tungkol sa pagkanta ni Martin Nievera sa laban ni Manny Pacquiao. Tila ang ginawa ni Martin ay di kapatapatawad at nakaririmarim.

Subalit ang mas malaking dapat pagtuunan ng pansin ay ang lalong dumadami pang mga pulitikong nanunuod mismo sa Las Vegas ng mga laban ni Manny. Kung suporta lang ang pag uusapan ay pwede namang ipagdasal na lang ito ng mga mabubuti nating mambabatas. Ngunit nakita nating mas mahalaga para sa kanila ang makapagbakasyon at gumastos ng daang libo para sumawsaw sa "media circus." Libre nga naman ang paglabas nila sa TV at sosyal pa ang bakasyunan.

Kasabay nito ay ang daming nasalanta ng bagyong Emong sa Central at Northern Luzon. Maraming naghihirap ang muling maghihikahos para magsimulang muli. Ilang de lata at kaban ng bigas sana ang nabili ng pamasahe ng isang mambabatas kung mas piniling magpakapilipino sa sariling bansa.

Sana ay mamulat ang taong bayan sa mga klaseng lider na pinipili nating mamuno ng ating bansa. Talo pa nila si Emong pagdating sa pinsala.

No comments:

Post a Comment